Huwebes, Agosto 23, 2012

DIVIDED PHILIPPINES (part I)


Ilang beses na ba tayo tinapakan? Ilang ulit na ba tayo niragasa at pinaluhod? Oo nga at nagkaisa tayo nung kasagsagan ng martial law. Pero tapos nun, wala na. Nagkawatak watak uli tayo nung panahon ni Pres. Erap. At ang kapal ng mukha natin na tawagin ang EDSA DOS at EDSA TRES na people power(s)... Na Kung tutuusin ang mga nasa likod ng dalawang pag aklas ay mga buwayang uhaw sa kapangyarihan. Di tulad ng EDSA 1 na may iisang adhikain.


Madalas pulitika ang ugat ng mga karahasan dito sa Pilipinas. Tulad na lamang ng Ampatuan Maguindanao Massacre na resulta ng kabobohan ng mga Ampatuan sa Mindanao. Na hinayaan ni Gloria Arroyo na magkaroon ng private army. At hindi rin naman dito exempted ang mga Mangudadatu. At sa palagay ko, di man ito tumugma sa pananaw mo kaibigan, wala na talagang pagkakaisa dito sa atin.

Isipin mo na lang -- sa gobyerno natin, may tinatawag na Pro Administration at Oppositions. Doon pa lang ay wala nang unity. Dahil ang bawat salita ng mga taga Pro ay kakalabanin ng mga Opposition. At vice versa. Kaya wala tayong nabubuong pagsulong. At may political parties pa na kung saan ang mga pulitiko ay may loyalty pa kaysa loyalty sa masang Pilipino. At ang mga magnanakaw dito sa atin ay kinakabitan pa ng HONORABLE sa pangalan.

At kung iisipin mo, ang pulitiko sa pagdating ng eleksyon, laging bukambibig ang PUBLIC SERVICE. Pero pag naupo na ay parang hari. Naalala ko noon, sa nangyaring meeting ng Sangguniang Panlunsod dito sa Iloilo city. May isang Board Member na nagreklamo. Sabi nya, bakit daw siya kinokontra ng mga constituents niya gayong marami siyang projects at natulungan. Sa pagkakataong iyon, isang member din ang tumayo at sabi, bakit siya nagrereklamo eh ‘yan nga ang trabaho nya- Public service. Bakit siya naghihintay ng kapalit? Bobo di ba? Simple lang naman eh-- Political will. Kung wala ka no'n, wag ka na lang tumakbo sa pulitika. Magiging pasanin ka lang.

Pero hindi lang naman sa pulitika ang mga lamat kung bakit walang unity dito sa atin. Sa ating pagiging mamamayan meron din. Sa kabataan, lalo na. Tulad na lang sa music genre. Musika- di ba dapat isa itong libangan? Pero bakit nagiging gatilyo ito para pumutok at umapoy ang bawat damdamin natin? RAKISTA ka, HIPHOP ka. Dyan ka lang, dito ako. Dahil sa genre ay nag aaway tayo. Lagi natin pinagtatalunan kung sino ang astig. Di ba mababaw?

At kahit sa TV lang, may network war din. KAPUSO at KAPAMILYA. Umeksena pa ang TV 5. EAT BULAGA AT SHOWTIME. Ang babaw. Ok lang naman na may paborito tayo. Pero kung ito ang magiging mitsa para yurakan natin ang kapwa natin, wag na lang. Tumalon ka na lang sa apoy. Pati nga sa movie industry may kabuktutan din. Yung mga pelikula sa hollywood ginagaya natin dito. Wala tayong matatawag na originality. Meron naman tayo nun ‘di ba? Kulang lang sa pansin at pag-iisip.

At sa palagay ko, ang mas malala ay ang RELIHIYON. Muslim. Kristiyano. Nagkakamatayan. Nagkakasagupaan. Pareho pareho naman tayong Pilipino. Kapwa mo Pinoy tinatapakan mo. Iisa ang Diyos natin. Yahweh. Allah. Biblia. Kor'an. Wag tayong humusga. Palaganapin natin ang magandang balita. Iisa lang ang langit natin. Pag usapan natin ang kapayapaan.

At sa loob ng KRISTIYANISMO. Lumalagablab din ang apoy. Ewan ko ba kung bakit sinisiraan ng mga Protestante, INC, at ibang sekta ang Katoliko. Ano ba ang masama sa Katolisismo? Kaligtasan ang usapan pero sa isipan mo ay karahasan. Bakit di ka makinig para ikaw din ay mapakinggan? Subukan naman natin pagtulung-tulungan.

Ngayon may RH BILL na. Umaapoy ang palitan ng mga salita. Simbahan at Gobyerno. CBCP at Congress. Hindi ko alam kung sino ang tama. Kung ano ba ang tama. Para saan nga ba ang RH BILL? Napopromote nga ba ito ng Abortion? Ewan. Kunsabagay, itong BILL na 'to, lantarang sumasang-ayon sa paggamit ng mga contraceptives. Yong artificials. Yong pwede mong mabili over the counter. Condom, Pills, diaphragm at kung anu-ano pang gamit huwag lang makabuntis o mabuntis.
Para sa akin, dakila ang bill na ito. Hamakin mong hindi na mahihirapan ang isang kabataang bumili ng condom sa botika. Hindi na siya mag-aastang secret Agent habang inoobserbahan ang palibot at baka may makakita sa kanyang bumibili.
Hanep.
Ang daming problema sa Pilipinas pero iba ang inaatupag niyo!
Kakulangan sa social services, basic needs, bahay, trabaho, pagkain, drainage system at inflations! Problema pa ang bigas at mga bilihin. Yung gasolina, kasingbilis ng paglipat-lipat ng pulitik ong partido ang pagmahal nito.
Minsan naisip ko, sino nga ba ang dapat masunod? Ang taongbayan o ang trapo?

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento